***Note: Pakibasa na muna ang preview, na nasa naunang mga post. Siyempre para masaya, parang penikula pelikula di ba! Echus lang..
Eto pa pala. Please naman magpost naman kayo ng comment (kung pupwede, hindi ko kasi alam kung pwede magpost kahit walang LJ account) para kahit paano ma-feel ko namang may nagbabasa.. Hindi na yung kayo na mismo ang magsasabi sa akin ----IN PERSON---- tungkol sa kababawang itis. Okey ba yon? ehehehe. Mwaat.***
Sino: Paul and Juliet (mga tauhan)
Ano: Isang kanta...
Kailan: Isang hapon ng Sabado
Saan: Sa multi-purpose hall ng simbahan
POV (Point of View): Paul
"Kanino po itong gitara? Pupwede ko po bang mahiram saglit?" tanong sa akin ni Juliet pagkakita sa instrumentong nasa ibabaw nang lamesa.
"Sige, okay lang. Marunong ka palang tumugtog niyan?" ang tanong ko naman sa kanya. Hindi pa siya nagsisimulang tumugtog ngunit nag-uumpisa na akong mamangha sa kanya.
Kukunin muna niya ang gitara at ngingiti. Pagkatapos ay uupo siya nang maayos at hahawakan ang instrumento, akmang tutugtugin ito. Doon siya sasagot. "Medyo po... Kaso, hindi ko na kabisado 'yung ibang chords, puro major na lang po. Kaya parang strumming na lang ang ginagawa ko. Strumming, kuno, po! Wala kasi po akong sariling gitara eh..."
"Buti, natuto kang tumugtog?" Medyo na-intriga lang ako.
"Eh kasi po, 'yung Daddy ko may gitara doon sa tirahan niya. Nung dati pong nagbakasyon ako doon, pinag-aralan ko uli 'yung mga chords. Kaso po nung pasukan, nakalimutan ko na rin, kasi nga po wala akong sariling gitara..."
Tatango lang ako. Wala na siyang sasabihin pa at tutugtog na.
HIndi ko kaagad nalaman ang kantang tinugtog niya, pero alam kong pamilyar ang tonong 'yon. Narinig ko na 'yon dati, eh. Matagal-tagal ko na nga lang hindi naririnig kaya medyo nawala na rin sa isip ko.
Pagmamasdan ko si Juliet habang tumutugtog ng gitara. Kalmante ang hitsutra niya, bagaman seryoso. Nakababa ang tingin niya sa instrumento o sa mga daliri niya. Ngunit damang-dama niya ang pagtugtog. Nagmula sa puso. Nadama ko din ang kantang hanggang ngayon ay hindi ko maalala ang pamagat.
At unti-unting bumalik sa akin ang isang alaala...
Huling taon ko na bilang isang high school student sa isang pampublikong paaralan sa Olongapo. Nakatira ako kasama ang mga pinsan at ang tiyahin ko. Inako na kasi ng tiyahin ko ang pagpapa-aral sa akin dahil napagtapos na rin niya ang lahat ng mga pinsan ko. Hindi na tumanggi o nakatanggi pa ang inay ko sa tulong na ''yon ni Tiya Alicia.
Nang minsang umuwi ako galing sa eskuwelahan ay may binigay sa'king telegrama si Tiya Alicia. Galing pa ito sa Marinduque, kung saan talaga ako ipinanganak at dating nanirahan. Medyo nagtaka ako. Ano kayang meron?
Medyo ninerbyos ako bago buksan at basahin ang telegrama. Hindi masyadong maganda ang pangitain ko sa pagdating nito. Galing pala kay Tiya Liza, na siyang matalik na kaibigan ng aking inay at ang aking ninang.
POV: beatnik_beybi
"Dang, half-hour ka na," ang sabi sa akin ng namamahala ng net cafe na ito. "Extend pa?"
Putek! Mangalulu ku kasi...
"Hindi na po, sandali na lang po.."
Ayoko nang balikan pa ako ni Ate para sa second warning.
So hanggang dito na muna. Pasensya na sa mga mabibitin (kung meron man). Ia-update ko na lang muna sa pagdating ng panahon (it won't be too long. PRAMIS TALAGA.)
Anu kaya ang laman ng telegramang 'yon? Bakit hindi maganda ang naging pangitain ni Paul doon?
Abeyngen!!!
****
Ang PagPapaTuLoY. *bow*
POV (Point of View): Paul
Binuksan ko na ito at binasa. Pagkatapos ay hindi ko na alam kung magugulat ba ako o malulungkot o pareho ba.
"Hinde," sitsit ko sa sarili. "Hindi pupwede..."
"Anong sabi sa telegrama?" tanong naman ng tiyahin ko matapos makita ang aking reaksyon.
Titingnan ko muna siya at sasagot sa kanyang itinanong. "Si Alvin. Wala na siya... Wala na si Alvin..." Nanghina ako. Napaupo na lang ako sa kalapit na sofa. Napaiyak na rin ako. Hindi pa rin talaga ako makapaniwala sa nalaman ko. Kasabay nito ang matinding kurot na naramdaman ko sa kaibuturan ng aking puso.
"S-sinong Alvin?" muling itinanong ng tiya ko. Inihinto na muna niya ang kanyang ginagawa. Lalapit siya sa sofa saka uupo sa tabi ko.
"Si Alvin po ang kinakapatid ko. Nanay po niya ang Ninang ko sa binyag. Siya din po ang pinakamatalik kong kaibigan, dahil bata pa lang po kami ay magkaibigan na kaming dalawa. Pero... Pumanaw na po siya noong isang linggo... Dahil sa isang aksidente." Napayuko na lang ako at muling napaiyak. Napakalaking kawalan talaga ang pagpanaw ni Alvin. Huli ko siyang nakita at nakausap noong nagbakasyon ako sa Marinduque. Simula noon ay hindi na kami nakapagkita pang muli o nakapagpalitan man lang ng sulat.
Inakay na muna ako ni Tiya Alicia. Ihiniga niya ang ulo ko sa kanyang balikat, hindi pinansin ang pagkabasa nito dahil sa pagdaloy ng mga luha ko.
Tatapik-tapikin pa niya nang marahan ang balikat ko sabay sabing, "Nakikiramay ako para sa'yo, Paul. Alam kong napakasakit para sa'yo ang nalaman mong nangyari kay Alvin. Napakalaking kawalan 'yon para sa'yo. Pero, isipin mo na lang kung nasaan man si Alvin ngayon ay nakamit na niya ang kasiyahan at kapayapaan, dahil malapit na rin niyang makapiling ang Panginoon. Siguradong malulungkot din siya kapag nakita ka niyang malungkot, kaya tumahan ka na. Tahan na, Paul."
Wala akong masabi. Patuloy lang ako sa pagluha. Mag-uumpisa naman sa pag-awit itong si Tiyang. Hindi ko alam kung ano ba ang kantang 'yon. Pero maganda kasi ang boses ni Tiya kaya nagandahan na rin ako sa kanta. Sa simula ay may lyrics pa ang kanta niya. Di naglaon ay "naghum" na lang siya. Ngunit nanatiling maganda ang awit.
Pagkatapos niyang magkanta, nanatili siyang naka-akbay sa akin. Nag-angat na ako ng ulo, sabay tanong kay Tiya Alicia, "Ano po ang pamagat ng kantang 'yon, Tiyang?"
"Panalangin sa Pagiging Bukas Palad," basta ko na lang nasabi sa sarili ko. Natapos na si Juliet sa pagtugtog ng gitara. Mag-aangat na rin siya ng tingin.
"Panalangin sa Pagiging Bukas Palad. 'Di ba 'yan ang pamagat ng kantang 'yan?" tanong ko sa dalaga.
Guguhit ang ngiti sa kanyang mga labi. Tatango siya. "Opo, 'yon nga po 'yon! Ang ganda po ng kanta, di po ba?"
Ngingiti din ako at tatango. Hindi ko na maipaliwanag ang nararamdaman ko. Para bang ang gaan-gaan na ng pakiramdam ko. At sa isang iglap ay tuluyan na rin akong namangha sa kanya.
"Ah... Pupwede bang 'yong kanta, please, Juliet?"
"No problemo. Bibilisan ko naman po nang konti para mas masaya ang tono."
Nagsimula na siya uli sa pagtugtog. Mas mabilis na nga ang tempo ngunit mas masaya, kagaya ng sinabi niya. Wiling-wili siya sa pagtugtog; kitang-kita 'yon sa pagkilos ng mga daliri't kamay at sa pagsabay ng ulo niya sa tugtog ng musika.
Mapapatingin din siya sa akin at ngingiti habang patuloy lang siya sa pagtugtog.
Nawili din talaga ako sa musikang 'yon.
~fin~
'Posh na po!!